Tatalakayin sa papel na ito ang isang panimulang kasaysayan ng institusyunal na agrometeorolohiya sa Pilipinas mula sa huling bahagi ng dantaon 19 hanggang sa mga unang dekada ng sumunod na siglo. Ilalahad dito ang pag-unlad ng mga proyektong pang-agrikultura ng mga institusyong meteorolohikal at ahensyang kolonyal na inatasan upang magsagawa ng mga karampatang programa para sa ikakauland ng nasabing sektor. Susuriin ang naging gampanin ng Observatorio Meteorológico de Manila sa ilalim ng pamamahalang Español at ng Philippine Weather Bureau sa ilalim naman ng pamamahalang Amerikano sa Pilipinas sa paglalatag at pagpapalawak ng larangan ng agrometeorolohiya sa kapuluan, kung saan naging katuwang nila ang mga pangunahing ahensyang may mandato sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Pilipinas, sa panahong saklaw ng pag-aaral. Ilalatag din sa papel kung paano nakaugnay sa mga pang-ekonomikong pangangailangan ang mga proyektong isinulong ng dalawang institusyong meteorolohikal.