Ma. Luisa De Leon-bolinao | Dante L. Ambrosio
Pumasok sa kamalayan ng mga Pilipino ang red tide noong Hulyo 1983 nang mabalita ang pagkalason ng ilang kumain ng lamang-dagat mula sa Maqueda Bay at Villareal Bay sa Samar. Malayo man ang Samar sa Maynila, naging paksa ang pangyayari ng mga radyo at diyaryo kung kaya’t hindi nalingid ang pangyayari sa mga taga-Maynila kung saan marami ang nabubuhay sa pangingisda. Limang taon makaraan, pumasok mismo sa pinto ng Maynila ang salot. Ilan ang namatay at daan ang nalason noong Agosto 1988 nang manalanta ang red tide sa Manila Bay mismo.
Layon ng akdang ito na maitala at mapag-aralan ang padron ng paglitaw at paglaganap ng salot sa Manila Bay. Lalo’t higit, nilalayon nitong masuri ang mga hakbang na ginawa ng pamahalaan at mga siyentista upang magabayan at matulungan ang mga mangingisda at ang publiko na harapin ang “bagong salot.” Sa gayon, higit na magkakaroon ng matibay na batayan ang mga eksperto at ang mga mangingisda sa pagtugon sa hamon-pangkalikasang ito.