Karaniwang nananatili ang alaala ng mga nagdaang trahedya sa mga komunidad na madalas tamaan ng disaster. Malaking impluwensya ang mga alaalang ito sa pagtingin ng komunidad sa mga paparating na disaster at kung paano nila ito haharapin. Kalaunan, ang malagim na alaala ng trahedya at pagdurusa ay magiging kaalamang lokal na makatutulong sa komunidad upang bumangon muli at maghanda sa mga disaster na paparating o darating sa kanila. Gayumpaman, mayroong kakulangan sa pagpapahalaga at pagsasaalang-alang sa kaalamang lokal na ito sa patakarang pangdisaster at kaugnay na disaster risk reduction dahil sa magkakawing na usapin tulad ng kaangkupan ng kaalamang lokal, kakayahang maulit at magamit ang kaalamang ito sa konteksto ng ibang komunidad, at limitadong aplikasyon sa iba’t ibang uri ng kalamidad; idagdag pa na hindi naman madalas na nasasadokumento ang kanya-kanya at kultural na ispesipikong aplikasyon ng kaalaman na ito sa mga disaster.
Isinasaalang-alang ng pag-aaral na ito ang pormasyon at transpormasyon ng alaala ng disaster na maaaring magamit ng mga komunidad bilang kaalamang lokal upang maitaguyod ang katatagang pangkomunidad na maaaring maging batayan ng mapagkakatiwalaan at ispesipiko sa kultura at kontekstong patakarang kaugnay ng mga disaster. Tunguhin din ng papel na ito na tingnan kung paano ang lokal na identidad ay maaaring nakaapekto sa o naapektuhan ng pagharap sa mga kalamidad. Ang papel na ito ay nakabatay sa pananaliksik sa larangan na isinagawa sa Anislag Resettlement Community ng Daraga, Albay, sa paniniwalang mahalagang ikutang pangyayari ang naganap na bagyong Reming noong 2006 upang maging mas matatag at mas handa ang mga tao sa mga disaster na itinuturing na nilang reyalidad sa kanilang kontekstong geograpikal.