HomeSaliksik E-Journaltomo 5 bilang 1 (2016)

Tundo: Pagkatapos ng Paraiso (1902-2010)

Nancy Kimuell-gabriel

 

Abstrak:

Ang artikulong ito ay tungkol sa kapaligiran ng Tundo, na dating itinuturing na paraiso ng mga taal na tagarito—maganda, tahimik, luntian, at payapa.  “Genteel hometown” kung kanilang ilarawan.  Subalit wala na ito.  Pinalitan ito ng Tundong masikip, magulo, at lugar daw ng mga “butangero.”  Kung paano nangyari ang gayong pagbabago ang tatalakayin sa papel na ito.  Halimbawa ito ng kasaysayang urban kung saan naroon kapwa ang langit at impiyerno.  Sa Tundo nagtagpu-tagpo lahat ang mga elementong magpapabulok sa lugar—isang ekonomiyang hindi lumalaki at hindi makapagbigay ng trabaho sa dumadagsang taga-probinsyang naghahanap ng mapagkakakitaan; pamahalaang nagbibigay ng prayoridad sa dayuhang negosyo at mayayaman pati sa paggamit ng mga lupain; depektibong programang pabahay at proyektong kaunlarang hindi abot-kaya ng mga tao; mararahas na demolisyon at relokasyong binansagang “from danger to death zone;” at sa huli, mga programang pabahay sa ilalim ng joint public-private venture scheme na may oryentasyong negosyong dapat pagtubuan at hindi serbisyong totoo.  Sa ganap na paglalaho ng paraiso, hinalinhan naman ito ng mataas na bundok ng basura na tatawagin ng isang presidente na pambansang kahihiyan kahit ang totoo’y pambansang kapalpakan ito ng pamahalaan.  Nang matuto ang mga taong ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa, at ireklamo ang mga di-makamahirap na proyekto, tinanggap nila ang marahas na hambalos ng estado.  Hindi ito kuwento ng urban renewal na mas madaling ibida kaysa isapraktika.  Sa diretsahan, kuwento ito ng urban decay.