HomeSaliksik E-Journaltomo 5 bilang 1 (2016)

Tagtuyot sa Vulcan de Agua: Integratibong Pag-unawa sa Kontemporanyong Usaping Pangkapaligiran sa Bundok Banahaw

Winifredo B. Dagli

 

Abstrak:

Layunin ng papel na ito na maitaguyod ang pananaw ng mga pangkaraniwang mamamayan sa pag-unawa sa kasaysayan ng mga pagbabagong pangkapaligiran sa sariling pamayanan at lipunan.  Masasabing kasing halaga ng mga konsepto o teorya sa Araling Pangkapaligiran mula sa natural-scientific na mga disiplina maging sa Agham Panlipunan ang mga alaala at pinahahalagahan ng mga mamamayan sa kanilang ekolohikal na kapaligiran.  Pangunahing binigyang-pansin ang karanasan at pananaw ng dalawang pamayanan sa bayan ng Dolores, Quezon na nakararanas ng matinding kakapusan sa tubig.  Ito ay sa kabila ng matingkad na pagtingin sa Bundok Banahaw ng mga taga-roon bilang Vulcan de Agua o bundok na mayaman sa tubig.

 

Ang papel na ito ay hango sa isang bahagi ng mas malaking pag-aaral sa sosyolohiya na nakatuon sa pagbabalangkas ng mga piling usapin sa Bundok Banahaw mula sa pananaw ng mga taga-roon.  Ginamit sa pagbabalangkas ng papel na ito ang mga nakalap na datos mula sa pagpapakuwento sa limang matatanda at ilang piling kalahok sa mga pamayanan ng Sta. Lucia at poblasyon.  Ang mga kuwentong ibinahagi ng mga kalahok sa dalawang pamayanan ay sumasalamin sa magkakaibang aspekto ng mga usaping pangkapaligiran gaya ng paniniwala, kabuhayan, at mga gawaing nagpapatibay sa diwa ng isang pamayanan.  Kapansin-pansin naman ang pagtuturing ng mga taga-poblasyon sa mga taga-Sta. Lucia bilang mga “dayo” sa kanilang bayan gayundin ang kaakibat nitong implikasyong ekolohikal at sosyo-pulitikal sa maayos na pangangasiwa ng yamang tubig sa Dolores.  Sa huli, binigyang-diin ang kahalagahan ng mga pag-aaral na magpopook at magpapatingkad sa pananaw ng pamayanan sa paglilinang ng Kasaysayang Pangkapaligiran sa rehiyong Timog Katagalugan.  Inaasahan ding makaambag ang papel na ito sa pagpapalawig ng isang Araling Pangkapaligiran na may saysay sa ating sariling bayan at lipunan.