Merwyn Abel | Christan Autor | Aaron Gripal | Feorillo Petronilo Demeterio Iii
Tinatalakay sa papel na ito ang wikang ginagamit ng mga Pilipinong manlalaro sa Multiplayer Online Battle Arena (MOBA) game na Defense of the Ancients 2 (DotA 2) at League of Legends (LoL). Espesipikong pinili ang mga larong ito sapagkat dalawa ito sa mga larong may halos magkatulad na estilo ng mechanics at may maraming bilang ng manlalaro sa Pilipinas. Sasaliksiking mabuti ang mga salitang ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa iba pang manlalaro habang nagaganap ang laro at maging sa labas ng laro na kinakatawan ng mga online forum, mga Facebook page at group, at iba pang klase ng talakayan. Paghahambingin ng papel na ito ang orihinal na kahulugan ng mga piniling salita sa pagpapakahulugan nito sa mundo ng DotA 2 at LoL. Susuriin din ng papel na ito ang mga pagbabago sa kahulugan ng mga salita ayon sa takbo ng panahon. Sa mga pagsusuring ito ay gagamitin ng aming pangkat ang konsepto ng pragmatics sa pag-analisa at pagbibigay-kahulugan sa mga salitang pinili sa pag-aaral. Pagkatapos isa-isahin ng papel na ito ang pagpapakahulugan sa mga salita, aming i-uugnay ang paggamit ng mga salitang ito sa kasalukuyang estado ng lipunang Pilipino at ang kahalagahan nito sa patuloy na pag-usbong ng online gaming sa Filipino gaming community. Sa kabuuan ng pag-aaral, ang pag-usbong ng bagong kahulugan ng mga salita at ng mga bagong salitang likha ng mga manlalaro sa Pilipinas ay isa lamang patunay na nananatiling buhay at matatag ang wikang Filipino. Bukod pa, makikita rin sa wikang ginagamit ng mga manlalaro sa Pilipinas ang estado ng lipunang Pilipino―mahirap at magulo ngunit sa pamamagitan ng mga larong ito ay nagkakaroon ng interaksyon, positibo man ito o negatibo.