Bagama’t may mga nauna nang historyador at iskolar na naglathala hinggil sa kasaysayan ng Kordilyera sa wikang Filipino,1 wala pa talagang naglalathala ng komprehensibong librong pangkasaysayan tungkol sa Kordilyera sa wikang pambansa maliban kay Lars Raymund Ubaldo. Maihahanay samakatwid bilang mapanghawang-landas ang akdang pangkasaysayan ni Ubaldo sa mga librong pampanitikan ni Purificacion Delima (1996, 2013) na ukol naman sa mga kaalamang bayan ng Kordilyera. Patunay rin sa kanipisan ng mga pag-aaral sa wikang Filipino hinggil sa Kordilyera sa pangkalahatan, at sa mga Ifugao sa partikular, ang pagkakaroon lamang ng apat na sanggunian sa wikang pambansa—na pawang hindi pa nga tuwirang pumapaksa sa Kordilyera ni sa mga Ifugao—sa mismong bibliograpiya ng libro ni Ubaldo na binubuo ng 128 reperensya (pah. 201-210). Kung kaya nga’t lalo pang dapat ipagbunyi ang pagkalathala ng librong Mun-udi: Ang Panday na Ifugao bilang Tagapag-ingat ng Taal na Kaalaman ni Ubaldo bilang mahalagang muhon sa pagsasakasaysayan sa Kordilyera sa wikang Filipino. Ginawaran ito ng National Book Development Trust Fund Grant ng National Book Development Board (NBDB), Lunsod Quezon, Pilipinas noong 2012. Inilathala ito ng Cordillera Studies Center (CSC) ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), Baguio nitong 2016 bilang kauna-unahang komprehensibong librong pangkasaysayan ng sentro sa wikang pambansa.