Isang pagsasaliksik ito sa wika at lingguwistika ng ‘tao’ na, ang katagang ugat ng kambal na katawagang katawan at katauhan pati ugnayan nitong dalawa sa pagiging tao, pagpapakatao, pakikipagkapuwa-tao’t pagkatao. Isang etnolingguwistika ang isinagawa para matuklasan sa paggamit ng wika ang mga kahulugan ng katawagang katawan at katauhan. Isa ring sikolinguwistika ito sa kaalamang kubli sa magkaugnay ngang konsepto ng katawan at katauhan. Kinapa-kapa ang kahulugan at kaalaman sa mga dokumentong nasusulat mula sa sinaunang diksiyonaryo hanggang sa mga publikasyon sa Internet ang ‘tao.’ Sinimulang usisain sa ilang piling kantang Pilipino ang paglalarawan sa tao. Pagkatapos sinuyod pagkatapos ang mga katawagang kasalukuyang pantukoy sa katawan na naglalarawan di lamang sa tinutukoy nito kundi sa pakahulugan sa katauhan. Sinuri pagdaka, ang mga salitang may ‘tao’ sa pamamagitan ng pagtukoy sa pag-iiba sa pagpapakahulugan ayon sa bagong Gramatikang Pilipino. Tinuklas sa nabuong mga salitang may tao sa pamamagitan ng pagsusuri sa panlaping ikinakabit dito, hal., kung ano ang kahulugan at anong kaugnay nitong ekspresyon at metapora. Tinukoy rin ang nakapaloob ditong hayag man o di-hayag na pag-unawa sa ugnayang katawan-katauhan. Ang salitang ‘tao’ kung tutuusin ay siyang ‘katawan’ din, katagang nilapian (ka-tao-an). Kita agad ang katawan dahil may anyo’t hugis ang katibayan nito. Kaya kung sabihing ‘tao po?’ at nagkataong wala nga’y sapagkat walang katawan, manapa ng katauhan doon. Kaya rin mistulang mistiko o himala kung sabihing nagkatawang-tao dahil walang katibayan nito at sapagkat ito’y pag-uulit, isang negasyon ng realidad. Sinasabi pa na katawang lupa’t di katawang tao. Ang tao’y kabuuan na, iisa ang katawa’t katauhan. Halimbawa ang mukha sa may ka-taw-an nito ay hindi hiwalay sa ka-tau-han niya, siya ngang totoong tao. Kaya kung sabihing ‘makapal ang mukha’ ay dahil ito nga’y walang hiya. Ang talamak na tiwali o mandaraya’t mandarambong ay sinasabihang makapal ang mukha, walang dangal, walang pagkatao. Sa sukdulan, itinuturing na ‘hayop’ ito. Ang pagkatao’y tinataya sa ikinikilos o iniuugali ng katawan sa pagpapakatao, dahil ito’y kaniyang katauhan o pagkatao. Ang hindi ‘marunong mahiya’ ay hindi natuto sa pagpapakatao o nakatatanto ng pagkatao.