Ang papel na ito ay isang pilosopikong pagsusuri sa kálikasán ng pakikipagkapwa-tao, na inuunawa bÃlang makatáong pakikitungo ng isang tao sa kaniyang kapwa-tao. Ang pagsusuri ay ginagawa sa mga larangan ng metapisika at etika. Sa metapisikong pagsusuri, sinusuri ang kaganapan (o posibilidad) ng pakikipagkapwa-tao: kung kailan ito masasabing nagaganap o umiiral. Isinusulong dito ang pagkakaiba ng teoretiko at praktikal na antas ng kaganapan ng pagkikipagkapwatao, na nagsisilbing balangkas sa pagsusuri ng mga kaugnay na kaisipan ng mga ilang pilosopo na kinabibilangan nina Buber, Sartre, Husserl, Levinas, Heidegger, at Kant. Sa kabilang bandá, sinisiyasat sa etikong pagsusuri ang kahalagahang pangmoral o kabutihan ng pakikipagkapwa-tao: kung kailan masasabi na ang isang kaganapan nito ay mabuti. Sinusuri dito ang kálikasán ng kabutihan ng pakikipagkapwa-tao sa mga pananaw ng mga teoryang pang-etika ng utilitarismo, deontolohiya, at birtudismo.