Susing salita: History, Humanities, Social Sciences, Mass Media Studies, Broadcast Communication
Madalas nang naitatampok sa mga akademikong lathalain at maging sa popular na midya ang estado ng pagsasahimpapawid gamit ang radyo sa Metro Manila noong panahon ng pagkapresidente ni Ferdinand Marcos. Sa kabilang banda, mayroon namang kakulangan sa bilang ng literatura ukol sa impluwensya ng rehimeng Marcos sa ibang rehiyon, kabilang na ang Kordilyera. Upang punan ang siwang ito, tiningnan ng artikulong ito ang operasyon, programming, at naging pangkalahatang estado ng mga istasyon ng radyo at mga mamamahayag nito sa lunsod ng Baguio noong panahon ng rehimeng Marcos. Napag-alaman mula sa pangangalap ng mga dokumento sa mga arkibo at sa pamamagitan ng pakikipagpanayam sa mga beteranong kawani at mamamahayag sa radyo sa Baguio na hindi naging ligtas ang industriya ng radyo sa lunsod sa harap ng mahigpit na pamamahala at malupit na administrasyon noong panahong iyon. Natuklasan ding nagkaroon ng kontribusyon ang radyo sa Baguio sa Kapangyarihang Bayan o People Power sa lunsod noong 1986.