Susing salita: History, Humanities, Social Sciences, Indigenous Studies
Ang paggamit ng kamay na bakal ang pangunahing karakter ng diktadurang Ferdinand Marcos. Sa mahabang panahon, ito ang kinasangkapan ng diktadura sa pagsusulong ng mga patakaran nito, lalo na ang mga programang nilabanan at tinutulan ng taumbayan. Ang militar na pinalakas at pinalayaw ni Marcos ang tumayong masunuring tagapagpatupad ng mga patakarang ito. Kabilang sa mga sektor ng lipunang nalantad sa kamay na bakal ng diktadurang Marcos ang mga katutubong pamayanan kung saan matatagpuan ang mga hilaw na sangkap at likas yamang kailangan nito para sa industriyalisasyon. Ang karanasan ng mga Kalinga sa harap ng agresyong pangkaunlaran ng diktadura upang maipatayo ang Chico River Basin Development Project (CRBDP) ay kalunos-lunos na halimbawa nito. Dahas at intimidasyon ang pangunahing lenggwaheng kinasangkapan ng gobyerno sa agresibo at sapilitang pagpapatupad nito ng nasabing proyekto. Ang militarisasyon bilang tugon sa oposisyon o anumang anyo at uri ng pagtutol ang iniharap sa pagtindig ng mga Kalinga laban sa mga proyektong ito.