Ang sanaysay na ito ay isang kritikal na pagsusuri sa isang malakas na argumento laban sa paniniwala sa pag-iral ng Diyos: ang argumentong hango sa kasamaan. Ayon sa argumentong ito, mali o hindi makatuwiran ang paniniwalang may Diyos na sukdulan ang talino, kabaitan, at lakas dahil ang paniniwalang ito diumano’y sumasalungat sa katotohanang may mga kasamaang nagaganap sa mundo. Nilalayong ipakita ng sanaysay ang kamalian ng naturang argumento sa dalawang bersyon nito—ang lohikal at ebidensyal na bersyon. Kritikal sa pagsasakatuparan ng layuning ito ang pagsasaalang-alang ng mga sumusunod: kung ang lawak ng kapangyarihan ng Diyos ay masusukat sa kanyang paggamit ng kapangyarihang ito; kung ang kabutihan ng Diyos ay binubuo lamang ng hangaring tanggalin ang mga kasamaan o pigilin ang kanilang kaganapan sa mundo; at kung ang pang-unawa ng tao ay sapat na batayan para maitakda ang saysay o pagkamakabuluhan ng mga kaganapan sa mundo.