Discipline: Philippine Literature, Feminism
Humigit-kumulang na 200 maiikling kuwento at hindi bababa sa 30 mga nobela ang nailathala na ni Rosario de Guzman Lingat.Karamihan ay lumalabas sa Liwayway magazine. Bukod dito’y may mga kuwento rin siyang nagawa para sa komiks. Kaya nga’t kinilala siyang isa sa mga pinakamahuhusay na kuwentista pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kabila nito’y wala pang gaanong pag-aaral tungkol sa mga kuwento ni Rosario Lingat. Tanging si Soledad Reyes ang tumalakay nang pahapyaw sa mga kuwento ni Lingat tulad sa mga sanaysay na “The Fiction of Rosario de Guzman Lingat” (Philippine Studies, 1996), “Si Rosario de Guzman Lingat sa Bukang- Liwayway sa Kanyang Tag-araw” (Pagbasa sa Panitikan at Kulturang Popular: Piling Sanaysay, 1976-1996, 1997) at “Ang Alaala ni Rosario de Guzman Lingat” (Filipino Magazine, Enero 4, 1997). Gayunma’y hindi maliklikang sinuri ni Reyes ang mga napili niyang kuwento at hindi rin niya itinuon ang pagsusuri sa mga tauhang babae ni Lingat. Wala pa ngang pag-aaral tungkol sa katangian ng mga babaeng karakter sa mga kuwento ni Lingat kaya masasabing ito pa lamang ang una sa ganitong pag-aaral.