HomeLEAPS: Miriam College Faculty Research Journalvol. 32 no. 1 (2010)

Tungo sa Pagbuo sa Isang Talatuluyang Pangkurikulum sa Filipino sa Sistemang Batayang Edukasyon ng Kolehiyo ng Miriam

Edizon A. Fermin

Discipline: Education

 

Abstract:

Ang pananaliksik na ito ay pagpapatibay ng layunin ng Kolehiyo ng Miriam na pahalagahan ang wikang Filipino at Ingles bilang mga magkatuwang na wika at disiplina. Ginamit dito ang modelong teoretikal na AAA (authenticity, awareness, action) sa edukasyong pangwika na ipinakilala ni van Lier (1996) at ang mga kaisipan nina Spolsky (2004) at Shohamy (2006).

 

Nagbunsod ang mga ito ng paggamit ng mixed methods research na kinabilangan ng labing-isang may tutok na pangkatang talakayan o focus group discussions (FGD), apat na sarbey ng mga pananaw sa pagkatuto at pagtuturo ng wikang Filipino sa sistemang batayang edukasyon, at pagsusuri ng nilalaman ng mga umiiral na dokumento kaugnay ng mga programa sa wikang Filipino.

 

Humantong sa isang palihan sa pagbuo ng isang prototype na talatuluyang pangkurikulum (curriculum continuum) para sa wikang Filipino ang buong proseso kung saan ang mga piling guro mula sa Sentro ng Araling Pambata, Mababang Paaralan, at Mataas na Paaralan ay nagtagpu-tagpo. Bukod sa prototype na talatuluyan, naging mahalagang bunga ng pananaliksik ang pagbibigay turing sa katauhan ng guro bilang tagapagplanong pangwika at pangkurikulum.