Discipline: Humanities, Philippine Literature
Sa pasinayang talumpati ng dating Pangulong Joseph E. Estrada, noong idinaos ang inagurasyon ng pagkahalal niya bilang pangulo ng Pilipinas noong 1998, pinagtuunan niya ang napakahalaga't natatanging prinsipyo ng kanyang administrasyon: "Walang kaibigan, walang kumpare, at walang kamag-anak o anak ang maaaring magsamantala ngayon." Bagamat maraming Filipino ang nagduda tungkol sa pagpapatupad ng kanyang pahayag, marami rin naman ang natuwa't nabuhayan ng pag-asa sa bagong pamahalaan. Sa buong akala ng nakararaming mamamayan, ang administrasyong Estrada sa wakas ang siyang magdudulot ng bagong buhay at bagong pag-asa sa mga taumbayan. Wika nga sa Ingles, many Filipinos gave him the benefit of the doubt. Talastas ng mga Filipino na ang bumubuhay sa kultura ng graft and corruption sa ating bansa ay ang mga negatibong aspeto ng "pagkakaibigan," "pagkukumpare," at " pagkakamag-anak."