HomeSaliksik E-Journaltomo 3 bilang 2 (2014)

Nonay: Limot na Bayani ng Himagsikan

Atoy M. Navarro | Adonis L. Elumbre

Susing salita: Social Science

 

Abstrak:

Habang malaon nang hinahamon ang historiograpiyang positibista at sexista na nagsasagilid sa mga batayang sektor ng lipunan, masasabing matingkad pa rin ang pangangailangang palawakin at palalimin ang salalayan ng kaalaman at kamalayang pangkasaysayan sa mga tila buradong bahagi ng ating kolektibong gunita bilang isang bayan.  Maihahalimbawa rito ang kababaihang kadalasan nabibigyan lamang ng kaukulang pagkilala kung naiuugnay sila sa mas kilalang kalalakihan sa kasaysayan.

 

Sa ganitong pagnanais na bigyang-puwang ang mga nasa laylayan ng kasaysayan at lipunang Pilipino, partikular na sa mga pangunahing yugto sa pagbubuo ng bansa, itatampok sa kasalukuyang artikulo ang buhay at kontribusyon ng isang limot na bayani ng himagsikan, si Espiridiona “Nonay” Bonifacio (1875-1956).  Higit pa sa pagiging kapatid ng tagapagtatag ng Katipunan na si Andres Bonifacio o pagiging kabiyak ng isa ring kilalang Katipunero na si Teodoro Plata, masusumpungan sa kasaysayang buhay ni Nonay na may natatangi siyang ambag sa himagsikan at sa pagpapanatili ng alaala nito hanggang sa unang hati ng dantaon ‘20.