Atoy M. Navarro | Carlos P. Tatel Jr.
Sa kasalukuyan, Singapore ang pangunahing destinasyon ng mga migranteng Pinoy at overseas Filipino workers (OFW) sa Timog Silangang Asya. Sa patuloy na pagdami ng mga migranteng Pinoy at OFW sa Singapore, mahalaga ang patuloy na pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa sa mga karanasang Pinoy sa Singapore. Ilang pag-aaral na ang nagbigay-diin sa dinanas/dinaranas na diskriminasyon, marhinalisasyon, at pagkakahon ng mga migranteng Pinoy at OFW sa loob ng kanilang bahay/pinagtatrabahuhan sa Singapore. Sa panimulang pag-aaral na ito, papaksain ang mga karanasan ng mga migranteng Pinoy at OFW sa labas ng mga bahay/pinagtatrabahuhan, partikular na ang kanilang pakikipagnegosasyon/pakikipagtalaban sa Lucky Plaza Mall (LP) at kaligiran nito bilang mga espasyo ng mga migranteng Pinoy sa Singapore. Para sa kanila, hindi lang isang sentro para sa pagpapadala ng mga remittance ang LP kundi isang lugar na gaya ng sariling bayan. Ngunit inaalingawngaw ang mga pangkasarian, pang-uri, at panlahing bias, patuloy na nagbibigay ng negatibong impresyon o kaya’y pagpapatahimik pa nga sa Pilipino/Pinilipinong LP ang mga dominanteng representasyon ng mga urbanisadong landskeyp sa Singapore. Malinaw rito na ang mga karanasan ng diskriminasyon, marhinalisasyon, at pagkakahon sa loob ay pinagtitibay pa nga sa labas ng mga bahay/pinagtatrabahuhan sa Singapore. Gayumpaman, malinaw rin na sa loob ng mga espasyo ng mga migranteng Pinoy at OFW sa Singapore tulad sa isang Pilipino/Pinilipinong LP, mas may gahum at kapangyarihan ang mga migranteng Pinoy at OFW na igiit ang kanilang sarili at makipagnegosasyon/makipagtalaban sa mga pamamaraang patuloy na hinahamon ang mga dominanteng representasyon ng mga urbanisadong landskeyp ng Singapore.