HomeDALUMAT E-Journaltomo 4 bilang 1-2 (2013)

Varayti ng Wika sa Pinoy Indie: Isang Mungkahing Balangkas sa Pedagohiyang Kritikal Tungo sa Pagsasabansa ng Akademya at Sining

Jonathan Vergara Geronimo

Susing salita: Philippine Studies

 

Abstrak:

Sa pagsibol at pamamayagpag ng huwad na disposisyong malaya sa kalakarang pampelikula na ‘indie’ (pagpapaikli sa independent films), napapatindi ang pagtataguyod sa mga kampanyang neoliberalismo at globalisasyon na nagsisilbing pakete at pangunahing politikal na interes ng pambansang larangan ng sining pampelikula sa Pilipinas. Hindi mapigil ang paglaganap at impluwensiya ng kalakarang ito sa mga institusyong panlipunan lalo sa akademya na pinagmumulan ng mga gitnang-uring manonood o kabataang filmmaker mismo na pangunahing tagatangkilik ng popular na kulturang ito. May nakababahalang epekto sa mga Pilipinong tagatangkilik ang kawalan ng malinaw na adyenda sa mga itinatanghal na pelikulang indie para sa alternatibong adhikain nito sa pangakong pagpapalaya. Sa ganitong krisis, kinakailangan ang mahigpit na pagtugon ng akademya na magsisilbing gabay sa pagpanday ng kamalayan at oryentasyong makabansa. Malaki ang maiaambag ng akademya sa pagbubukas ng mga potensyal nitong makaalinsabay sa panlipunang kalakaran/trend at maisangkot ang kanyang pamamaraam sa mapanghamong sitwasyon sa isang inobatibong silid-aralan. Layunin ng papel na ito na talakayin ang katangian ng Pinoy indie alinsunod sa historikal na pagbalikwas nito at potensyal na gamit bilang awtentiko at makabuluhang materyales sa pagtuturo ng mga varayti ng wika at panlipunang diskurso. Gayundin, nilalayon ng papel na makapagmungkahi ng pedagohiyang balangkas na may tumbukang lapit sa paglinang ng kritikal na pag-iisip ukol sa pag-uugnay ng pagkakaiba-iba ng wika at diskurso nito sa kalagayan ng lipunang Pilipino. Pokus bilang sampol sa papel ang pelikulang Tribu ni Jim Libiran na susuriin gamit ang mungkahing balangkas na nakasentro sa pagtuturo ng mahahalagang aspekto sa pag-aaral ng varayti ng wika, kasabay ng pagsusuri sa panlipunang diskurso nito sa tulong ng pagbanghay sa mga implikasyong kultural, politikal at ekonomikal sa mga sitwasyong pangwika sa pelikula. Sa huli, ang paglikha ng mga mag-aaral ng sariling maikling pelikula ang magsisilbing produkto sa pagtataya ng pag-unawa at komunikatibong kasanayan na nalinang sa kanila sa proseso ng pagsasanib ng akademya at sining pambansa bilang magkatuwang na pwersa sa pagsasabansa, ang unang hakbang sa pambansang pagpapalaya.