Susing salita: Philippine Studies
Isa sa kinahuhumalingan ng mga mag-aaral sa kasalukuyan ay ang social networking sites (SNS). Madalas pinagkakamalang hindi maganda ang nagiging bunga nito sa kanilang pag-aaral (talaga nga kaya?); partikular ang karamihan sa mga magulang –sila ay may mga negatibong persepsyon tungkol sa usaping ito. Mahirap igiit sa mga mag-aaral na wala itong mabuting idudulot at lalong mahirap makipagtagisan sa kanila hinggil sa masamang epekto ng social networking sites. Ang pananaliksik na ito ay isang eksploratoryong pag-aaral sa paggamit ng social networking sites sa pagtuturo ng wikang Filipino. Pokus ng pag-aaral na ito na matukoy ang papel na ginagampanan ng SNS sa proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral; gayundin ang pagdalumat sa positibo at negatibong epekto nito sa larangan ng pagtuturo lalo na sa wikang Filipino at aalamin din kung ang SNS ay nakakatulong sa pagtuturo ng Filipino. Layunin ng papel na ito na malaman ang papel na ginagampanan ng SNS sa proseso ng pagkatuto ng mga mag-aaral; tukuyin ang mga positibo at negatibong epekto ng SNS bilang estratehiya sa larangan ng pagtuturo; at dalumatin kung talagang nakakatulong ba ito sa pagtuturo. Penomenolohikal na pamaraan ang gagamitin sa pag-aaral; batay ito sa obserbasyon, eksperimento at karanasan ng mga guro at mag-aaral na gumagamit ng SNS. Nagsagawa ng pakikipanayam sa mga guro na gumagamit ng SNS sa pagtuturo, gayundin sa mga estudyante.Pinakasikat sa mga SNS at madalas gamitin ng mga mag-aaral ay ang Facebook. Ang mga takdang-aralin, babasahin at dapat pag-usapan tulad ng ilang paglilinaw o katanungan tungkol sa paksang-aralin natalakay at tatalakayin pa ay nabibigyang-linaw at tugon sa pamamagitan ng facebook dahil dito madalas naka-OL (on line) ang mga estudyante. Malaking bagay din ito upang maging daan sa pagpapasa ng mga takdang-aralin ng mga estudyante dahil ito ay paper less at malaking tulong pa ito upang mabawasan ang global warming. Sa kabilang banda, ang e-group ay malaking bentahe rin upang doon i-upload ang mga babasahin o iba pang panawagan o ilang paalala sa mga estudyante halimbawa sa mga takdang araw o deadline ng pagpapasa ng proyekto, takdang-aralin, at iba pa. Bagamat, maaari rin namang mag-upload sa facebook. Isinusulong ng papel na ito ang paglalapat ng mga networking sites sa pagtuturo ng wikang Filipino sapagkat may kabutihan din itong maidudulot sa pagkatuto sa halip na palagiang ipagbawal ito sa mga mag-aaral na para bang isang malaking banta sa kanilang pag-aaral at maging sa kanilang buhay. Datapwat, nararapat pa ring isaalang-alang ang hangganan o parameter ng mga SNS. Ang papel na ito ay maihahanay sa isa sa mga kulturang popular na kadalasang pinagbubuhusan ng pansin ng mga mag-aaral. Ang SNS ay isa sa mga dulog- teknolohikal na magagamit natin sa pagtuturo. Maaaring magbigay ng oportunidad ito sa mga guro upang kumonekta sa mga mag-aaral ngunit ang koneksyon ay may parametro ang uganyang guro-mag-aaral. Ang SNS ay ginaggamit sa pagkakaibigan na iba naman ang gamit sa larangan ng pagtuturo. Madalas din itong gamitin ng mga mag-aaral sa pakikipagkaibigan. Kung gayon, kapag ito ba ay ginamit bilang bahagi sa pagtuturo, mailalalagay din ba ng mga mag-aaral at guro na gumagamit ng SNS ang hangganan o parametro ng ugnayan nila sa sia’t isa: guro-mag-aaral na ugnayan. May pagkakataon na nagpopost ang mga estudyante ng personal na pananaw o komentaryo tungkol sa kanilang guro ngunit hindi binabanggit ang pangalan datapwat alam nilang lahat na kabilang sa grupo kung sino ang pinag-uusapan. Idagdag pa ang usapin ng cyberbullying. Salamat at nagkaroon na ng bagong batas ngayon na anti-cyber crime tulad ng cyber bullying. Komprehensibong papel-pananaliksik ang inaasahang kalalabasan ng pag-aaral na ito.