Discipline: Economics, Culture, Human behavior
Sa paghahanap ng mga kinakailangang sangkap sa pag-ahon at patuloy na pag-unlad, maraming Filipino ang tumitingin ng mga gabay at modelo mula sa ibang bansa at kultura.
May nagsasabing kinakailangan nating maging moderno at magtanim ng mga ugaling angkop sa kultura ng kanluraning korporasyon. May naririnig din tayong kampanya tungo sa pagiging dragong ekonomiya ng Pilipinas nang matularan ang karanasan ng Singapore, Taiwan, Hongkong at Korea sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kultura ng disiplina. Kamakailan ay naglabas ng isang anunsyo ang isang dating La Sallista na mag-isip agila at iwaksi ang isip-sisiw.
Nariyan din ang matagal nang tunggalian ng kapitalismo at sosyalismo sa mabisang pagtugon sa mga pangunahing layunin ng isang lipunan. Sa pagtatalo ng dalawang ismo, ang paglubog ng mga kinikilalang ekonomiyang sosyalista sa Europa ay nakaangat sa kredibilidad ng kapitalismo.