HomeMALAYvol. 12 no. 2 (1994)

Ang Dominanteng Uri ng Pulitika Sa Filipinas: Bakit Hindi na Kailangan ang mga Dominanteng Pulitiko

Ronald D. Holmes

Discipline: Social Science, Political Science

 

Abstract:

Tuwing napag-uusapan ang pulitika sa ating bansa, hindi na maiiwasan ang maihayag ang magkakaibang paniniwala, komentaryo't emosyon. Nandiyan ang mga tagapahayag na parating "nagbubunyag" ng kabaluktutan ng mga pulitiko. Ano pa ang hihigit na halimbawa nito kundi iyong pang-araw-araw na programa ni Korina't Ted sa ABS-CBN 2, ang HOY GISING!!. Sa kabilang dako naman, madalas din nating naririnig o nababasa ang mga balita tungkol sa nabuong batas, isinakatuparang programa o sa pangkalahatan ay ang diumanong "pampublikong serbisyong" isinagawa o ipinatupad ng isang kilalang opisyal ng pamahalaan. Sa lahat ng mga ito, ang pulitika o anumang gawaing may kinalaman sa pagsasakatuparan ng kahit anong anyo ng lakas ay pangkaraniwang kaganapan na lamang sa buhay ng isang ordinaryong mamamayan.

 

Ano nga ba ang kaibahan ng pulitikang Filipino? Panguna na rito ang likas na katangian ng sistemang gumagabay sa relasyong pampulitika—ang padrinuhang sistema. Ang sistemang ito ay maiuugat sa mala-pyudal na relasyong panlipunan na magpahanggang ngayon ay umiiral pa rin. Sa sistemang ito, ang hindi patas na pamamahagi ng kayamanan at kakayahan ay bumubuo ng tinaguriang kliyentelistang sistema kung saan ang mga grupo"t aktor sa pulitika ay nahahati sa dalawang bahagi--ang mga padrino kaharap ang mga kliyente.