Discipline: Languages, Sociology
Ang proyekto ng pagsasalin sa Filipino ng mga konseptong sosyolohikal ay isang pagtatangka na nakatuon sa intelektwalisasyon ng ating wika. Maraming pagsisikap ang ginawa sa paggamit ng ating wika bilang wikang panturo sa Sosyolohiya at Antropolohiya at ang nangibabaw na isyu kaugnay ng pagiging artipisyal ng anyo ng instruksyon ay ang mga problema tungkol sa ispeling ng mga terminolohiya, o sa depinisyon. Ang kasalukuyang kolaborasyon ng Departamento ng Agham Pangkaasalan at ng Departamento ng Filipino sa pagbuo ng isang glosari ng mga salita na ginagamit sa INTROSO ay nakatuon sa pagpuno ng binanggit na kakulangan.
Kaugnay ng istilo, ang fonetic na aspekto ng Ingles ay ginawang basehan para sa ispeling a Filipino ng maraming salita. Ngunit may mga pagkakataon na ang pagbabago sa ispeling ay hindi posible sapagkat maaaring ang mangibabaw ay di pagkakaunawaan sa halip na komprehensyon, subalit sinikap ng proyektong ito na ilapat ang nilalaman ng DLSU Istaylbuk.
Ang mga terminolohiyang isinama sa glosaring ito ay hinango sa mga libro mula sa US at England na ginagamit sa pagtuturo sa INTROSO sa kasalukuyan. Salat tayo sa aklat sa Filipino sa maraming larangan ng karunungan kaya inaasahang makapagbibigay ang proyektong ito ng kahit kaunting kontribusyon tungo sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Naging arbitrary ang pagpili ng mga terminolohiya sa glosaring ito ngunit inaasahan na mapupunan ang ganitong pagkukulang sa mga susunod na rebisyon at pagpapaunlad ng proyektong ito.