Ipinapakita ng sanaysay ang realidad ng mga print ad at ang implikasyon nito sa pagbuo ng identidad ng bata. Lumabas sa pagsusuri ng mga ad na mga magulang, bilang unang ahente sa pagbuo ng identidad ng bata, ang target na mambabasa sapagkat ang mga sitwasyong inilalarawan ay mga usaping madalas nilang alalahanin. Bukod dito, tatlong uri ng ad ang natukoy na maiuugnay sa sosyalisasyon ng bata sa lipunan na siyang batayan ng kanyang identidad. Gayunpaman, ideyal ang kanilang inilalarawan at umaayon sa depinisyon at interes ng naghaharing uri. Sa unang uri, tahanang ideyal ang pinapaksa samantalang mundong ideyal sa labas ng tahanan naman ang sa pangalawa. Gayunpaman, may mga pagkakataong maaaring mabuwag ang nililikhang mundong ideyal dahil taliwas sa mga aktwal na pangyayari. Ang ganitong 'krisis' ay nilulutas sa pangatlong uri na pinagtutugma ang ideyal at aktwal. Sa ganito, masasabing higit na preskriptibo ang mga ad.