Discipline: Panitikan, Sining, Kultura
Ang panitikang pambata ang madalas na nakakaligtaang uri ng panitikan. Nakakaligtaan dahil kakaunting kritiko ang naglaan ng panahon at isip upang suriin ito. Kadalasan ang pagsusuri ay nagtatapos lamang sa tanong na kung ang kwento ba ay nagbibigay-aral o hindi sa mga bata. Hindi sapat ang mga pagsusuri ukol sa panitikang pambata upang makita ang kalagayan nito sa kasalukuyan.
Itinuturing ang panitikang pambata bilang batis ng kaalaman at ng kabutihang-asal. Nagiging instrumento tuloy ng matatanda o ng lipunan ang panitikang pambata upang hubugin ang bata ayon sa kanilang pamantayan. Sa bawat kwentong binabasa ng mga bata, wala silang kamalaymalay na naipapasa na sa kanila ang gender roles na kailangan nilang gampanan. Pumapaloob sila sa sistemang patriyarkal at sa mga de-kahong representasyon ng pagiging babae at lalaki.
Hanggang kailan iiwasan ng panitikang pambata o ng mga manunulat ang maseselang paksa tulad ng isyu sa kasarian, ng pagiging gay o lesbian? Ng pagsasama ng dalawang lalaki o babae? Hanggang kailan bubugbugin ang mga bata ng mga kwentong malayo na sa kanilang nararanasan? Hanggang kailan ituturing ang panitikang pambata na tagapaghubog sa halip na tagapagmulat? Sisikapin ng papel na ito na maipakita ang representasyon ng kasarian sa mga kwentong pambata.