Ang papel ay isang panimulang pagmumuni-muni ukol sa estetika ng literaturang nakasulat sa mga wikang Bikol. Gamit dito ang subjective na lapit sa estetika, na inuugnay ang konsepto ng kagandahan sa kung ano ang nagugustuhan ng tao sa isang partikular na kultura at panahon. Hiniram dito ang ilang konsepto mula sa teoryang Signifyin(g) ng literaturang Afro-American ni Henry Louis Gates, ang carnivalesque ni Mikhail Bakhtin, at ang kahulugang bagong historisismo ng orag ni Danilo Gerona upang basahin ang limang tekstong nakasulat sa mga wikang Bikol.
Batay sa limang tekstong ito, lalaki at patriyarkal ang manunulat na oragon. Tinatangi ng manunulat na oragon ang rehiyong Bikol, at ang mga wika at diwa nito. Katangian ng kanyang mga sulatin ang diskursong dalawahan o maramihang tinig (double- or multiple-voiced). Nakasalalay sa kagalingan at kausungan sa pagsustini ng isang orihinal at walang-tulad na talinghaga, sa parodya at pagkasubersibo, at sa kausungan (oneupmanship) laban sa awtoridad ang kagandahan ng teksto.
Dahil aplikabol sa literaturang Bikol ang konsepto ni Bakhtin ukol sa medyebal na literatura bilang karnabal, pinapakita na di pa siguro nalalayo ang rehiyon sa medyebalismo.