HomeMALAYvol. 20 no. 1 (2007)

Japanimation, Americanization, Globalization: Pagbuwag sa Wika ng Kapangyarihan sa Pamamagitan ng Dubbing ng Anime sa Wikang Filipino

Ramilito B. Correa

Discipline: Filipino Language, Globalization, Japanimation, Americanization

 

Abstract:

Laganap ang konsepto ng globalisasyon o ang kawalan ng hangganan ng bawat bansa na pumasok at makipagkalakalan sa iba pang bansa. Ang anime bilang komoditi ng bansang Japan na ibinebenta sa bawat sulok ng mundo ay isang halimbawa nito. Tinawag itong "Japanimation" ng kritikong si Toshiya Ueno. May papel din ang bansang America sa pagbebenta ng anime sapagkat sa wikang Ingles isinasalin ang produktong ito sa pamamagitan ng dubbing at subtitling na tinatawag namang Amerikanisasyon. 

Popular ang panonood ng anime hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong daigdig. Walang pinipiling edad o antas sa lipunan ang manonood nito. Dahil humigit-kumulang sa apat na dekada na itong napapanood, mula 70's hanggang ngayon, unti-unting nabago ang wikang ginagamit sa panonood nito. Dati-rati, ang mga Japanese animation o anime ay dubbed sa wikang Ingles mula sa orihinal nitong wikang Nihonggo, dahil Ingles ang lingua franca ng daigdig. Sa sobrang pagkahilig ng mga Pilipinong manood ng anime, higit itong nailapit sa puso ng masa sa pamamagitan ng pagsasalin nito sa Filipino. Sa paraang tinatawag na dubbing nagkakaroon ng kapangyarihan ang wikang Filipino na gamitin para sa kapakanan ng mga Pilipinong manonood.