Discipline: Literature
Dinakila bilang “Hari ng Balagtasan,” wala pang makatarungan at masinop na pagpapahalaga’t pagtaya sa sining ni De Jesus bilang bahagi ng ating tradisyong pangkultura sa kasaysayan ng pakikibaka tungo sa pambansang demokrasya’t kasarinlan. Sinisikap ng akdang ito ang pagsusuri sa nagawa ni De Jesus sa tatlong magkaagapay na larangan: una, ang grupo ng mga kapanahong manunulat; pangalawa, ang kanyang uring panlipunan; at pangatlo, ang kaalamang ideolohikal na nag-uugnay sa kanyang pagkatao at panitik. Sentral sa pagkukurong ito ang institusyon ng balagtasan at ang pamamahayag, sampu ng kanyang pagbatikos sa mga Amerikanong guro at pakikisangkot sa kapakanan ng estudyante’t bayan. Ang konsepto ng pagbabago sa mundo’t buhay ang humubog ng tema’t estruktura ng mga tula niya. Hindi pag-ibig kundi kontradiksiyon ang saligan ng kanyang diskurso. Ang makatwirang pagpapakahulugan ng panulaan ni De Jesus ay nakasalalay sa pagtuklas at pag-unlad sa mga binhi ng konsepto/ideyang dinalumat ng pangitaing mapagpalayang nakapunla doon.