HomeSaliksik E-Journaltomo 7 bilang 3 (2018)

PAGHUHUKAY AT PAGTITIPON NG MGA TALA NG MGA NARATIBO NG GUNITA: TUNGO SA PAGBUBUO NG SINAUNANG KASAYSAYAN NG CABARRUYAN ISLAND, PANGASINAN

Dinalene S. Castañar

Susing salita: History, Anthropology, Social Sciences, Archaeology

 

Abstrak:

Ang masusing pagsipat sa mga umiiral na dokumento at paghuhukay ng mga naratibo ng mga Andanian ng Pangasinan, Pilipinas sa paggunita sa kasaysayan ng kanilang bayan ang magiging batis sa pagtalunton ng kanilang nakaraan at pagtukoy sa pagbubuo ng kanilang identidad. Tinipon sa artikulong ito ang mga dokumentong may kaugnayan sa kasaysayan ng Anda (Cabarruyan Island), Pangasinan. Nilalayon ng pananaliksik na ito na (1) taluntunin ang mga natuklasan ng mga arkeologo sa isla at ang implikasyon ng mga nahukay na fossil mammal mula dantaon 19-20; (2) tukuyin kung paano ginugunita ng mga Andanian ang isla bago ang pagkakatuklas nito na magiging batis sa pagsasakasaysayan ng sinaunang bayan; at (3) alamin kung paano nakatulong ang pagtatayo ng estatwa ng tatlong elepante sa plaza ng lokal na pamahalaan sa pagtuturo ng prehistorikong kasaysayan ng bayan ng Anda. Mahalaga ang magiging ambag ng pananaliksik na ito sa masusing pag-aaral sa mga sinaunang bayang Pilipino. Isinagawa ang pananaliksik na ito sa pamamagitan ng (1) pagkalap at pagsangguni sa mga dokumento at pag-aaral ng mga arkeologo sa isla; (2) pakikipanayam sa lokal na pamahalaan; at (3) pakikipanayam sa mga mamamayan ng Anda Island, partikular ng Baryo Awile. Nahahati sa dalawang pangunahing bahagi ang pagtalakay: (1) pagpapakilala sa Anda, Pangasinan batay sa geograpiya, popular na pinagmulan, pagpapangalan, kolonyal na pamamahala, paglilipat ng punong bayan, at kalagayang pampook bago ang pagkakatuklas ng fossil o hayto sa Anda, Pangasinan at (2) pagkakatuklas ng hayto sa Anda, Pangasinan na naglalaman ng natipong dokumento at nahukay ng mga arkeologo at implikasyon ng mga nahukay na buto.