Susing salita: History, Anthropology, Social Sciences, Archaeology
Ang prehistorikong pinagmulan ng Angono Petroglyphs sa Barangay Mahabang Parang ng Angono, Rizal, Pilipinas ay pinagkukuhanan ng pagpapahalaga ng iba’t ibang pribado at pampublikong grupo, partikular na ang mga residensyal at rekreasyunal na development ng Prime East Properties, Inc., National Museum of the Philippines, akademikong komunidad, at Munisipalidad ng Angono. Pinapatunayan ng artikulong ito na kasinghalaga ng pagkilala sa pagkaawtentiko ng isang artifakt o labi ng panahong prehistoriko ang pagbibigay-saysay nito sa kasalukuyan—subalit isa ring masalimuot na proseso ang pagkuha ng pagpapahalaga sa mga ito. Pinapaksa sa pananaliksik na ito ang perspektibo ng bawat grupo hinggil sa kanilang pagpapahalaga sa Angono Petroglyphs. Sa pangkalahatan, positibo ang pagpapahalaga ng bawat grupo, kung kaya’t tila nakatutulong ang kanilang perspektibo sa pagpapanatili ng pangangalaga ng lugar. Ipinapalagay sa pananaliksik na ito na kung susumahin ang mga pagpapahalagang ipinupukol ng bawat grupo sa Angono Petroglyphs, matutukoy ring may pagkakasalungat ang mga interes ng mga grupo. Ang pagkakasalungat o friction ng mga pagpapahalagang ito ang animo’y nag-aambag naman sa paglaho ng prehistorikong lugar at marahil sa paglala pa ng mga umiiral na bantang natural at pantao na sa kalauna’y sumisira sa Angono Petroglyphs.