Susing salita: History, Anthropology, Social Sciences, Archaeology
Maituturing na institusyon ang pagpapalayok sa Barangay Quinagabian, Santa Maria, Isabela, Pilipinas sapagkat naging paraan na ng pamumuhay ng mga Maddweng (mamamalayok na Ibanag) ang tradisyon ng pamamalayok mula pa sa mga (magulang) maraming taon na ang nakalilipas. Makabuluhan ang gawaing pamamalayok para sa mga Ibanag sapagkat isang irencia o pamana ito ng kanilang mga ninuno. Ang maddweng ay salitang Ibanag na tawag sa “paggawa ng dweng.†Tumutukoy ang dweng sa lahat ng uri ng palayok na gawa ng mga Maddweng. Ang pamamalayok bilang hanapbuhay ng mga Maddweng ang nagpakilala sa bayan ng Santa Maria bilang “banga center.†Pangunahing layunin ng artikulong ito ang mailarawan ang maddweng bilang tradisyon ng pagpapalayok ng mga Ibanag sa pamamagitan ng mga sumusunod na katanungan: (a) Ano ang ibig sabihin ng maddweng sa konteksto ng mga Ibanag?; (b) Anu-ano ang mga kagamitan sa paggawa ng dweng?; (c) Paano ginagawa ang dweng?; (d) Paano natutunan ng mga Maddweng ang kaalaman at kasanayan sa pamamalayok?; at (e) Anu-ano ang mga hamong kinakaharap ng isang Maddweng? Para maisakatuparan ito, susing metodolohiya ang paggamit ng Etnograpiya dahil sa kakulangan ng mga dokumento sa pag-aaral. Sa pamamagitan ng fildwork at katutubong metodo ng pananaliksik sa Sikolohiyang Pilipino, mapapayaman ang mga datos at impormasyon. Ang mga katutubong pamamaraan ng pagtatanong-tanong at pakikipagkuwentuhan ay mabisang pamamaraan ng pakikipanayam upang mahabi ang mga kuwento at salaysay ng nakaraan sa kasalukuyan. Sa pangkalahatan, inaasahang sa pamamagitan ng artikulong ito, maipapakilala ang dweng hindi lamang bilang kalikhaang materyal kundi bilang isang artifakt, na kumakatawan sa pagkakakilanlan at pamana ng mga Maddweng bilang mamamalayok ng Santa Maria, Isabela.