Discipline: Education, Filipino, Sociology, Cultural and Ethnic Studies
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong magrekord, magsatitik, magsalin at masuri upang mapreserba ang epikong Balatay Lumena ng mga Maguindanaon. Hinahangad din nitong sagutin ang mga
sumusunod na katanungan: 1) Sinu-sino ang mga Maguindanaon ng Balabak, Pikit, Cotabato?; 2) Anu-ano ang mga katangian ni Balatay Lumena bilang bata, anak, mandirigma, at bayani?; 3) Anu-ano ang mga paniniwala, kaugalian, at ritwal ng mga Maguindanaon na nasasalamin ng epikong Balatay Lumena?
Ang epiko nirekord mula sa bibig ng nakilalang manghihimig o pagdadarangen na si Ginoong Mokasil Madali noong Disyembre 1, 2007 sa Sitio Talapesan, Balabak, Pikit, Cotabato. Ito ay isinatitik nina Allan at Musanip Sagandi at isinalin ng mananaliksik sa wikang Filipino sa tulong nina Allan at Prof. Shandra G. Dimaudtang ng University of Southern Mindanao gamit ang teoryang akulturasyon ni Andre Lefevere.
Batay sa sosyolohikal na pananaw, natuklasan ang pagsusuri ng mga sumusunod: Ang mga Maguindanaon ng Balabak, Pikit, Cotabato ay nagmula sa angkan ng Buayan. Nabubuhay sila sa pagtatanim ng mais, palay at tabako at may tradisyon na kahusayan sa paghahabi at pag-uukit. Ang naturang epiko ay mauuri bilang epiko ng paglalakbay ng pangunahing tauhan na galing sa antas ng mga datu o maharlika. Bilang bata, si Balatay Lumena ay mahilig maglaro, hindi nakapagpapasya kung wala ang gabay ng iba, at nakadarama rin ng kawalang- pag-asa at kalungkutan. Bilang anak, siya ay mapagmahal, maalalahanin sa mga magulang at malapit sa kanyang ina. Siya ay isang mandirigma ng may pambihirang lakas, bilis at may kakayahang maglakbay sa malawak at malayong lugar. Bilang bayani, siya ay may angking di pangkaraniwang kapangyarihan, matiyaga, mapagkumbaba, at nagtataglay ng kabutihang loob sa mga tagumpay ng kanyang nakakamit.
Masasalamin sa epikong Balatamay Lumena ang mga kaugalian at paniniwala ng mga Maguindanaon na samaya o pangako sa bata, pasidaw, larong Sipa sa Manggis, pagnguya ng nganga, pagsuot ng agimat at ginto, instrumentong agong at kulintang at ang ritwal na sayaw na sagayan; Ang naturang mga kaugalian, paniniwala at ritwal ay natatangi lamang noon sa mga Maguindanaon na may dugong maharlika.