Discipline: Sociology, Society
Ang layunin ng pag-aaral na ito ay upang alamin kung may yugtong tin-edyer sa katauhang Pilipino. Kung mayroon, ano ang gulang na ito ay nagsisimula at nagtatapos, at anu-ano ang kanyang mga katangian. Ang papel na ito ay tugon sa hamon ni Enriquez (1975) na bigyan ng panahon at pagsusuri upang paunlarin ang sangay sa pag-aaral sa katauhang Pilipino.
May 240 na babae at lalaki ang sumagot ng talatanungan. Sila ay may gulang na 18 hanggang 70 taon, may iba 't ibang pinag-aralan at hanap-buhay. Sila ay naninirahan sa Kalakhang Maynila.
Ang mga lumahok ay nagbigay ng antas na dalaginding, (73%), dalagita (78%) at binatilyo (81%), sa tinedyer. May iba't ibang gulang ng pagsisimula at pagtatapos ang bawat antas. Ang dalaginding ay nagsisimula sa gulang na 10-11 taon at ito ay nagtatapos sa gulang na 12-13. Ang dalagita ay binigyan ng 13 gulang na simula at 16-18 taon na hangganan. Ang panimulang gulang ng binatilyo ay 11-13 at ang hangganang ay 16-18.
Maraming paglalarawan ang mga kalahok sa katangian ng tin-edyer. Ang higit na nakararami ay tungkol sa pisikal, sinundan ito ng mga pang-emosyonal o pandamdamin, pang-sosyal, pang-kaisipan, pang-sikolohikal at iba't iba pang katangian.