Discipline: Sociology, Philippine Literature, Philippine myths
Unang larawan. Maglakbay tayo sa lipunan ng mga Sulod. Dito, naniniwala silang pagkamatay ng isang tao, ang kaluluwa o umalagad nito ay naglalakbay patungong Lim-awen. Ang Lim-awen ay isang malalim na lawang kumukulo at umaalimpuyo ang malapot na tubig hanggang sa pinakapusod nito.
Sa pampang ng lawang ito, nakatira ang isang balbuning higanteng lalaki na nagngangalang Banglae. Malalapad daw ang balikat nito, umaabot ng pitong dangaw o pitong dangkal. Siya ang nagtatawid ng mga kaluluwa sa kabilang ibayo ng lawa.
Gayunman, bago itawid ni Banglae ang mga kaluluwa, tinatanong muna niya ang mga ito kung ilan ang naging asa-asawa nila nang nabubuhay pa. Pinarurusahan ang lalaking umalagad kapag iisa lamang ang naging asawa niya. Hindi isinasakay ni Banglae sa mga balikat patawid sa lawa ang ganitong kaluluwa; sa halip, pinalalangoy niya ito nang nakakapit lamang sa mga buhok na nasa pagitan ng kanyang mga hita. Sa kabilang dako, pinarurusahan naman ang babaing umalagad sa pagkakaroon ng higit sa isang asawa. Hindi makapagsisinungaling ang kaluluwa sapagkat tinatawag ni Banglae ang tuma o kuto ng katawan para sumaksi sa testimonyo ng tinahanang katawang babae.