HomeMALAYvol. 19 no. 3 (2007)

Panulat at Politika sa/ng Pamamahayag Pangkampus: Ang Pagsisimula ng College Editors Guild of the Philippines (1931-1945)

Rowell D. Madula

Discipline: Education, Filipino, Art, Sociology, Politics, Cultural Studies

 

Abstract:

Bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao ang pamamahayag. Mula paggising sa umaga, hanggang bago tuluyang magpahinga sa gabi, mga balita sa radyo, telebisyon, at pahayagan ang kaulayaw ng paningi't pandinig ng mga mamamayan. Napakalawak nang naaabot ng kapangyarihan ng midya sa buhay, mapaindibidwal o ng buong sambayanan. May kakayahan itong makapagbigay ng impormasyon, makapang-impluwensya ng pananaw o makapagmulat, makapagpakilos at makapagpalaya. Isang demokratikong karapatan ang makapagpahayag sa garantiya ng Saligang Batas ng mamamayan. 

Ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ay itinuturing na pangunahing institusyong nagtataguyod ng karapatan sa pamamahayag pangkampus. Sa loob ng mahabang pitumpu't limang taon, nagkaroon ng mahalagang papel ang organisasyon sa kasaysayan ng pamamahayag, ng kilusang kabataan, at ng lipunang Pilipino. 

Sa pag-aaral na ito, sisipatin ang pagsilang ng CEGP sa gitna ng mga pampulitika at panlipunang isyu sa panahon ng pananakop ng Estados Unidos noong 1931, ang mabilis na pag-unlad bilang isang organisasyon, hanggang sa pagsasara nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.