Discipline: Education, Art, Sociology, Politics, Cultural Studies
Sinisipat sa pag-aaral ang makapal na lubid na nagdurugtong sa mga tulansangan (tula at tugmang nilikha o ginamit ng mga bata sa kanilang paglalaro o paghuhuntahan sa lansangan) at sa mga produkto ng industriya ng kulturang popular na kadalasang inilalako sa pangmadlang midya. Taliwas sa tila pino at sinala nang mga tulang bayan at tulansangan sa maraming teksbuk at antolohiya, ang mga tulansangang ginamit sa pag-aaral ay hango mismo mula sa pakikipanayam sa mga batang impormante sa iba't ibang lansangan ng Lungsod Maynila at Quezon at iba pang bahagi bansa. Ang mga primaryang teksto ay kakikitaan ng lantad na "kabastusan" – sekswal man o politikal.
Ipinamalas din sa pag-aaral na ito ang transgresyon na pinababalong sa piling tulansangan. Kung kaya sa daloy ng pag-aaral, matingkad ang paghuhulas ng rekomendasyon na malaki ang potensiyal ng mga tulansangan para sa mga transgresibong proyekto.