Discipline: Art, Sociology, Cultural Studies
Ang pag-aaral ay isang panimulang paglalahad ng padron ng migrasyon ng Pilipina at penomenon ng "(e)mail-order bride" sa pamamagitan ng pagsusuri ng diskurso ng paglalakbay sa mga aklat, dyaryo, TV, at radyo; personal na karanasan, at; pakikipanayam sa maraming grupo ng mga Pilipina sa loob at labas ng bansa. Nananangan ang papel na ito sa sinabi ni Dean Alegado sa kanyang artikulong "International Labor Migration, Diaspora and the Emergence of Transnational Filipino Communities" sa librong Filipino Diaspora: Demography, Social Networks, Empowerment and Culture (2003) na katumbalik sa popular na nosyon, ang kababaihan ay nangingibang-lugar hindi dahil sila ang nangangailangan, kundi may mga oportunidad para sa kanila. Samakatuwid, sila ang kailangan ng mga bansang kanilang pinupuntahan. (Alegado 2003: 3).
Sa pag-aaral ng padron ng migrasyon ng Pilipina, makikita na may dalawang pangunahing opsyon ang kababaihan, ang mamundok o mangibang-lugar. Ang kababaihang militante, may tapang ng loob at kamalayang sumalungat sa mapaniil na sistema ng lipunan ay namumundok upang makibaka sa pagsusulong ng pagbabago. Samantalang ang karamihan naman na walang pangsuporta sa pamilya ay nangingibang lugar. Maaari pang hatiin ang pangingibang-lugar na binanggit bilang pangingibang-bayan at pangingibang-bansa. Ang (e)mail-order bride ay napapanahong halimbawa ng babaeng nangibang-bansa.