Discipline: Economics, Social Science, Sociology
Ang penomenon ng pangingibang-bansa upang magtrabaho ay may mahabang kasaysayan sa ating bansa. Panahon pa lang ng mga Espanyol, nakasama na ang mga Filipino sa mga barkong naglayag sa pagitan ng Acapulco at Maynila sa pagsasagawa ng kalakalang Galleon. Sa pagsakop ng mga Amerikano sa ating bansa, naging magaan ang pagpasok ng mga Filipino sa Amerika bilang manggagawa sa mga malalawak na taniman sa Hawaii at California. Ito ay nangyari bunga ng relasyon kolonyal at sa patakarang ipinairal ng pamahalaan ng-Estados Unidos na nauwi sa diskriminasyon sa pagpasok ng mga Tsino at Hapon. Naging daan din ang relasyong kolonyal sa pagdagsa ng libu-libong Filipino sa Estados Unidos na tinanggap bilang mga steward at sa iba pang mabababang tungkulin sa US Navy. Maraming mga nars ang nagsipasok sa Amerika upang magsanay sa ilalim ng Exchange Program ng pamahalaan ngunit marami sa kanila ang di na bumalik at naghatak pa ng mga kamag-anak tungo sa bagong bayan sa mga sumunod na panahon. Noong 1965, ang liberalisasyon sa patakarang imigrasyon ng Estados Unidos ay nag-alis ng kota sa pagpasok ng mga dayuhan ayon nasyonalidad. Bunga nito, maraming akawntant, duktor, nars, at inhenyero at iba pang mga Filipinong profesyonal ang tinanggap sa Estados Unidos (Tullao, 2004).